MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Las Piñas Rep. Mark Villar na tinanggap na nito ang alok ni presumptive president Rodrigo Duterte na maging kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang maikling mensahe, sinabi ni Villar na kinausap siya ni Duterte para pamunuan ang DPWH sa ilalim ng administrasyon nito.
Dahil dito kaya kaagad umano niyang kinausap ang kanyang pamilya at constituents tungkol dito.
Matapos ang masusing pagtimbang at pag-iisip ay nagdesisyon umano siyang tanggapin ang DPWH portfolio.
Ayon naman kay Sen. Cynthia Villar, ibinigay ni presumptive president elect Duterte kay Rep. VIllar ang DPWH dahil gusto umano nito ay “honest” at walang korupsiyon.
“Gusto niya (Duterte) daw yong honest. Walang corruption. Yon ang bilin niya ay Mark,” ani Villar sa isang panayam sa telepono.
Itinanggi rin ni Villar na magkakaroon ng “conflict of interest” sa pagpapatalaga kay Mark sa DPWH kahit pa nasa real state business ang kanilang pamilya.
Sinabi ni Villar na hindi naman dumadaan sa kanilang mga proyekto ang mga public roads.
Si Villar ay kapapanalo lamang sa nakalipas na eleksiyon para sa huli nyang termino bilang kinatawan ng Las Piñas sa Kamara.
Dahil dito, maaring magkaroon ng isang special election sa Las Piñas.