MANILA, Philippines – Binati ni Pangulong Aquino si pambansang kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa panalo nito laban kay Timothy Bradley Jr. kahapon sa MGM garden arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr., pinatunayan muli ni Rep. Pacquiao ang galing ng Filipino ng talunin nito si Bradley sa kanilang ikatlong paghaharap sa lona sa pamamagitan ng unanimous decision.
Sinabi naman ni Pacquiao, tumatakbong senador sa ilalim ng United Nationalist Alliance ni Vice-President Jejomar Binay, na inaalay niya ang kanyang huling laban sa kanyang maybahay na si Jinkee.
Unanimous ang naging desisyon ng mga judges na 116-110 at idineklarang nanalo si Pacquiao sa nasabing laban. Dalawang beses napabagsak ni Pacquiao si Bradley.
Samantala, nagpahayag din ng katuwaan at kasiglahan ang hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkapanalo ni Pacquiao laban kay Bradley sa kabila ng naranasang pighati dulot ng pagkasawi ng 18 sundalo sa sagupaan laban sa bandidong Abu Sayyaf group (ASG) sa Tipo-Tipo, Basilan.
Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, ang pagkapanalo ni Pacquiao, bilang miyembro ng kagawaran sa ranggong Lt. Col. ay nagbibigay sa kanila ng konsolasyon para makakuha ng kasiyahan ang kanilang mandirigma na patuloy na nakikipaglaban.
Sabi pa ni Padilla, tulad anya ni Manny ang mga mandirigmang sundalo na determinadong hanapin ang mga kalaban at manaig sa puwersa ng kasamaan ay malinaw na naihahayag sa kanilang walang katiyakang operasyon laban sa mga kalaban ng estado.
Ginawa ng AFP ang pagbati sa pagkapanalo ni Pacman habang nasa sentro ng kalungkutan ang buong tropa matapos malagasan ng kasamahan sa labanan sa pagitan ng bandidong Abu Sayyaf.