NPC inendorso sina Poe, Escudero

Independent candidates Sen. Grace Poe at Sen. Francis Escudero. Philstar.com/Jonathan Asuncion, file

MANILA, Philippines - Pormal nang inendorso ng ikalawang pinakamala­king partidong pulitikal sa bansa, ang Nationalist People’s Coalition (NPC), ang kandidatura nina Sen. Grace Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero, kapwa tumatakbong indipendyente sa pagka-presidente at bise-presidente sa ilalim ng koalisyon na Partido Galing at Puso.

Naganap ang pag-endorso sa House of Representatives habang ang tambalang Poe-Escudero ay bumibisita sa Tuguegarao, Cagayan, noong Lunes, Pebrero 29.

Ani Isabela (4th District) Rep. Giorgidi B. Agaddao, pangulo ng NPC, nasapol ng dalawang kandidato ang pilosopiya at paninindigan ng kanilang partido, kung kaya sila ang napisil na suportahan.

“Sa madaling salita, kinakatawan ng mga kandidatong ito ang manifesto ng partido na ang bawat Pilipino ay mahalaga at kada Pilipino ay dapat na paglingkuran nang patas, anuman ang kanilang posisyon o estado,” ani Agaddao sa isang press conference.

Sa isang ambush interview naman kay NPC spokesperson Quezon (1st District) Rep. Mark M. Enverga, tanging ang Poe-Escudero tandem lamang ang “may pinakamagandang programa.” “Mas malinaw, may solusyon na ibinibigay na kaagad si Senator Grace at Senator Chiz,” paliwanag ni Enverga.

Tiniyak naman ni Enverga na 100 porsyento ng kanilang mga miyembro ang susuporta sa kandidatura nina Poe at Escudero. “Yes, we will have to work out the final 10 percent of our members and I think we will be able to do that at tsaka sa mga darating na panahon siguro makikita niyo rin naman na buo kami and united kami sa pagsuporta sa kandidatura nila Senator Grace and Senator Chiz,” dagdag ni Enverga.

Show comments