MANILA, Philippines – Binuweltahan ni Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga patutsada nito sa rekord ni Roxas noong kalihim pa ito ng DILG.
Inilahad ni Roxas ang opisyal na datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa malalang sitwasyon ng droga sa lungsod ni Duterte.
“Baka nakalimutan niya na ako mismo, bilang DILG, sinulatan ko siya dahil ayon sa PDEA mismo, hindi ayon kay Mar Roxas ito ha. Ayon sa PDEA mismo, 72 out of Davao’s 180 mahigit na mga barangay ay heavily drug-infested. Kaya sinulatan ko siya tungkol dito eh,” sabi ni Roxas.
Sa datos ng PDEA, 72 sa 181 o halos 39% ng mga barangay sa Davao City ang tinaguriang ‘seriously affected’ ng iligal na droga. Para masabing seryosong apektado ng problema ng iligal na droga ang isang lugar ay dapat, ayon sa PDEA, mayroong pinaghihinalaang warehouse, laboratoryo, o drug den sa lugar na ito.
Sa pamamagitan ng Oplan Lambat Sibat ni Roxas nung ito’y DILG pa, mayroong ni-raid na drug den sa Davao City, 3 milyong piso ng marijuana at shabu ang nasabat. Natuklasang nasa bakuran mismo ni Duterte ang apat sa limang suspek na tulak dahil nakatira ang mga ito mismo sa Doña Luisa Subdivision, kung saan nakatira si Duterte.
Sinabi rin noong 2014 ni PNP chief Director Gen. Ricardo Marquez na inutos ni Roxas ang malawakang anti-illegal drugs operations sa mga lugar na pinangalanan ng PDEA na seryosong apektado ng iligal na droga.
Ayon sa Davao PNP, sa ilalim ng Oplan Lambat Sibat ay mahigit 350 milyong halaga ng iligal na droga ang kanilang nasabat noong 2014 at mahigit 282 buy-bust operation ang inilunsad.