MANILA, Philippines – Isang pagsabog ang nangyari sa Tacurong, Sultan Kudarat, ilang oras matapos makaalis si Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo noong Martes ng hapon.
“Tayo po ay ligtas. Ngunit nakikiramay tayo sa mga nasaktan, kung saan ang balita natin ay tatlo katao ang nasugatan,” wika ni Robredo.
Dumating si Robredo sa Tacurong bandang alas-10:30 ng umaga para dumalo sa ilang pagpupulong at umalis alas-12:30 ng tanghali.
Bandang alas-2 ng hapon, sumabog ang isang improvised explosive device (IED) malapit sa national highway.
“Mariin nating kinonkonenda ang nangyaring pagsabog na ito, lalo na sa tuluy-tuloy na pagtulak natin sa kaunlaran para sa Sultan Kudarat at buong rehiyon ng Mindanao,” wika ni Robredo.
Nananawagan naman si Robredo sa mga awtoridad na bigyan ng agarang pagkalinga ang mga nasaktan sa insidene.
Hiningi rin niya ang mabilis na pagtugon sa pangyayari upang malaman ang ugat ng pagsabog at mapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.
Tiwala si Robredo na hindi mapipigil ng pagsabog ang paghahanap ng pamahalaan ng pangmatagalang solusyon sa kapayapaan sa Mindanao.