Airtime sa pol ad balik 120 minuto kada TV network

MANILA, Philippines – Ipinatupad na ng Commission on Elections (Comelec) ang dating pamantayan sa airtime limit ng mga kandidato para sa national at local elections 2016.

Sa implementing rules and regulations ng Fair Elections Act, gagawing kada broadcast network o originating station ang pagbabasehan ng airtime limit sa patalastas ng mga kandidato sa Eleksyon 2016 at hindi na ang kabuuang ads sa lahat ng broadcast network.

Nakasaad sa resolus­yon na ang mga kandidato sa national position ay may hanggang 120 minuto na air time advertisement sa kada istasyon ng telebisyon at 180 minuto naman sa kada istasyon ng radyo.

Para sa mga kandidato sa lokal na posisyon, ang bawat kandidato ay may 60 minuto sa bawat istasyon ng telebisyon at 90 minuto sa kada radyo.

Kinakailangang ang patalastas ay samahan ng audible words na “political advertisement paid for,” at dapat sundan ng totoong pangalan ng kandidato o partido na makikinabang sa election propaganda.

Noong 2001, inaplay ng Comelec ang pamantayan na 120 minuto na kabuuang limit sa bawat kandidato sa political advcertisements subalit 2004 ay ipinatupad ang limit na 120 sa bawat TV network.

Noong 2013 ay muling ipinatupad ang 120 minuto na limit sa kabuuan o lahat ng istasyon na naging dahilan upang kuwestiyunin ito sa Korte Suprema.

Noong 2014 nagdesis­yon ang Korte Suprema na unconstitutional ang pagtatakda ng Comelec ng aggregate airtime limit sa political advertisement dahil labag umano ito sa freedom of expression, freedom of speech at press freedom.

 

Show comments