MANILA, Philippines – Paglilinis mula sa red tape ang pangunahing susugpuin ni Immigration Commissioner Ronaldo Geron sa kanyang panunungkulan hanggang Hunyo 30.
Ayon kay Geron, sa kanyang unang araw sa BI nakita niya ang maling sistema kaya’t tumatagal ang isang dokumento ng halos dalawang araw sa iisang tanggapan. Dito na nagkakaroon ng red tape.
Simula Marso 1 ay ipatutupad na nila ang stamp system para na rin sa security purposes at mabilis na proseso ng mga dokumento.
Sinabi ni Geron na nagpagawa na sila ng stamp na magsisilbing tracking number ng magsasagawa ng transaksiyon sa BI para mamonitor kung nasaan na ang dokumento matapos na tanggapin sa Central Receiving Unit (CRU).
Aniya, noong mga nakaraang administrasyon sa BI, tumatagal ang papeles o dokumento ng halos isang linggo kung saan nagkakaroon na ng suhulan upang mapabilis ang transaksiyon.
Nais din in Geron na idirekta na ang mga dokumento kung saan mang division ito nararapat. Hindi na umano dapat pang isalin at pagpasa-pasahan ang mga papeles na nakakaubos lamang ng oras at pagod ng mga empleyado.
Dapat aniyang pairalin ang ‘first come, first serve’ at dapat ding may kooperasyon ang publiko upang tuluyan nang matanggal ang katiwalian.