MANILA, Philippines – Matapos na pagtibayin ng Korte Suprema ang kasunduan na nagbibigay kapangyarihan sa mga sundalong Amerikano na maglagay ng mga pasilidad sa mga base militar ng Pilipinas at palakasin ang joint military excercises sa mga sundalong Pinoy, isang U.S. warship ang dumating sa Pilipinas.
Sa kalatas ng US Embassy, ang USS Curtis Wilbur (DDG-54), isang Arleigh Burke class guided missile destroyer ay dumaong sa Manila Bay bilang bahagi ng kanilang routine visit para sa kanilang maintenance at pagpapahinga ng mga sakay na crew.
Sinabi ng Embahada, ang nasabing barko na kinomisyon noong Marso 1994 at nagmula (homeported) sa Yokosuka, Japan ay bahagi ng Battle Force Seventh Fleet na siyang tanging naging permanenteng forward deployed naval force ng U.S. Navy.
Ang USS Curtis Wilbur ay dumaong noong Enero 24 at habang nasa Manila, ang miyembro ng crew nito ay nagkaroon ng oportunidad na makasama ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard upang lalong mapatatag ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at US force.
Magugunita na pinagtibay ng Supreme Court ang legalidad o constitutional ng Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa nasabing kasunduan, pinapayagan na ang US na magsagawa ng military rotation sa Piliinas at mapalawig ang kanilang pananatili sa bansa. Maging ang pagtatayo at pag-operate ng mga pasilidad sa mga base militar ng Pilipinas ay pinapayagan na ring isagawa ng US. Samantala, nilimitahan ng kasunduan ang US kung saan hindi pinapayagan na magtayo ang US ng kanilang permanenteg base militar sa Pilipinas. Habang magkakaroon ng access ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at US military sa kanya-kanyang barko at eroplano.