Japanese Emperor dumating na sa bansa

MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa kahapon para sa 5-day state visit sina Japanese Emperor Akihito at Empress Michiko kung saan ay sinalubong ito mismo ni Pangulong Benigno Aquino III sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kasama ni Pangulong Aquino na sumalubong sa royal couple ng Japan bandang alas-2:45 ng hapon ay ang presidential sister na si Pinky Aquino-Abellada.

Mananatili sa Pilipinas ang Japanese Royal couple mula Enero 26-30 kung saan ngayong umaga   ay nakatakdang makipagkita muli ito kay Pangulong Aquino para sa courtesy call sa Malacañang.

Bibigyan din ng state dinner ni Pangulong Aquino ang Royal couple ng Japan mamayang   alas-7:30 ng gabi sa Rizal hall ng Malacañang Palace.

Naunang bumisita sa Pilipinas ang mag-asawa noong 1962 kung saan ay Crown Prince at Princess pa lamang ang mga ito bilang kinatawan ni Emperor Showa.

Unang nakita naman ni PNoy ang Japanese Emperor noong bumisita ang kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino sa Japan kung saan ay kasama siya nito para sa state visit.

Show comments