MANILA, Philippines – Dismayado si Pangulong Benigno Aquino III sa mabagal na paggulong ng hustisya sa nasawing 44 miyembro ng Special Action Force.
"Gaya ninyo, ako man po ay naiinip sa bagal ng pag-usad ng sistemang pangkatarungan sa ating bansa. Ika nga: Justice delayed is justice denied," pahayag ni Aquino sa kaniyang talumpati sa paggunita sa unang taon ng madugong Mamasapano Clash.
Sa kabila ng mabagal na pagpapanagot sa mga nasa likod ng engkwentro ay tiniyak ng Pangulo na makakamit ng mga naiwang pamilya ng mga biktima nag hustisya.
BASAHIN: PNoy responsable sa SAF 44 bilang commander-in-chief – Poe
Nanawagan din siya sa Kongreso na silipin ang batas kung saan hindi maaaring mapanagot ng isang lider sa kaniyang mga maling diskarte.
"Ayaw po nating maulit ang mga trahedyang dulot lamang ng pagsuway sa mga patakaran. Hindi makatwirang magpatuloy ang sistema kung saan may karaniwang indibidwal na pumapasan ng mas mabibigat na obligasyon dahil sa kapabayaan ng iilan," sabi ni Aquino.
Sa parehong programa ay ginawaran ng Pangulo ng Medal of Valor sina Senior Inspector Gednat Tabdi at Police Officer 2 Romeo Cempron, habang ang iba pang nasawi at ang limang nakalitgas ay binigyan ng PNP Distinguished Conduct Medal.
Samantala, muling bubuksan ng senado ang kanilang imbestigasyon sa Mamasapano clash sa Miyerkules.
May natapos nang report ang senado sa nauna nilang imbestigasyon kaya naman kung ano man ang kanilang makuha ay gagawin na lamang itong supplemental report.