MANILA, Philippines – Pinuri ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang kontribusyon ng barangay health workers (BHW) sa bansa at tinawag silang maaasahang katuwang sa pagpapaunlad ng komunidad.
Sa kanyang speech sa Health Volunteers Congress dito, ibinalita ni Robredo na naghain siya ng panukala -- House Bill No. 5005 o ang Barangay Volunteer Workers Act – na permanenteng magtatalaga sa BHWs sa kasalukuyan nilang lugar.
“Kapag nagpalit na ang administrasyon, hindi dapat mapapalitan ang mga BHW kasi kayo na iyong maraming karanasan kaya gusto natin na maging permanente kayo,” wika ni Robredo, kinatawan ng 3rd District ng Camarines Sur.
Sa panukala,nais ni Robredo na bigyan ang barangay volunteers, kabilang ang BHW ng P2,000 buwanang allowance, maliban sa Philhealth coverage, libreng medical check sa government-run hospitals at training sessions ukol sa human rights, disaster response at risk reduction.
“Naglagay po tayo ng minimum na sweldo na P2,000 a month sa panukala. Pero sa committee meeting po naging P1,500 pero minimum lang po iyon,” wika ni Robredo.
Bibigyan din ang barangay volunteer workers ng libreng serbisyong legal sa mga kasong may kinalaman sa pagganap ng tungkulin at pension para sa mga nagsilbi ng siyam na taon o higit pa.
Sakop ng panukala ang barangay health workers, barangay nutrition scholars, barangay tanod, miyembro ng Lupong Tagapamayapa at mga miyembro ng community brigade at community service units.