MANILA, Philippines – Kinondena ng mga legal experts ang plano ng Senate blue-ribbon committee na muling buhayin ang imbestigasyon sa umano’y graft charges na isinampa laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ayon kina dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Vicente Joyas at University of the Philippines law professor Harry Roque Jr., pag-aaksaya lamang ng panahon at pera ang gagawin ng Senado kung saan magkakaroon din ng ‘duplication of investigation’.
Mas makabubuti anila kung ipauubaya na lamang ng Senado sa Ombudsman ang imbestigasyon lalo pa’t magiging abala na rin sa pangangampanya ang mga senador sa halalan.
Giit naman ni Atty. Joyas, dapat ding ibigay na ng Senado ang kanilang hawak na ebidensiya sa Ombudsman na siyang tututok sa lahat ng ebidensiya at ang pagkuwestiyon sa mga akusado.
Kaugnay ito ng umano’y iregularidad sa pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building II at Makati Science High School gayundin ang sinasabing ill-gotten properties ni Binay sa Cavite.
Ani Atty. Jovas, korte ang “proper forum” upang magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y korapsiyon.
Sinabi naman ni Atty. Roque na pagtatapon lamang ito ng pera ng bayan.
Sinang-ayunan nina Atty. Jovas at Atty.Roque ang pananaw nina dating law deans Amado Valdez ng University of the East at Pacifico Agabin ng UP na ang muling pagbubukas ng imbestigasyon ay bunga nang muling pag-angat sa survey ni Binay.’
“The Senate investigation is in aid of election and in aid of destabilizing Vice President Binay. The public know better. VP Binay is back on top (of surveys) despite their concerted efforts to discredit him,” dagdag pa ni Roque.
Ang imbestigasyon ng Senado ay nagsimula pa nong August 2014 kung saan paulit-ulit namang itinatanggi ng pamilya Binay kasabay ng pahayag na hindi sila makakakuha ng patas na imbestigasyon sa Senado.