MANILA, Philippines – Pinalagan kahapon ni Manila Rep. Amado Bagatsing ang malawakang demolisyon sa Escolta at iginiit ang pagtigil nito upang ma-preserba ang mahalagang kasaysayan ng Lungsod ng Maynila.
“Ano ba ang gusto nila mangyari? Ang burahin ang nakaraan, ang gibain ang lahat ng makasaysayang gusali at istruktura sa Maynila, lalo na sa Escolta?”
Ito ang maanghang na salitang binitawan ni Manila mayoralty candidate Amado S. Bagatsing kahapon upang tuligsain ang walang-habas na demolisyon sa Escolta tulad ng iconic na Philippine National Bank (PNB) building.
“Wala kasing historical sense ang nasa City Hall eh,” wika ni Bagatsing. “Sa ginagawa niya ay wala nang nakaraan na babalikan ang mga susunod na henerasyon.”
“May kasabihan tayong mga Filipino na ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan,” paalala ni Bagatsing.
Bukod sa PNB building na idinisenyo ni Carlos Arguelles at itinayo noong 1962-1965, ikinadismaya rin ni Bagatsing ang ibinigay na demolition permit ng Manila City Hall para gibain ang El Hogar Building.
Ang paggiba sa El Hogar ay ipinatigil ng National Historical Commission of the Philippines matapos na lumutang sa social media ang pagbaklas sa iron grills nito.
“Naligtasan ng El Hogar ang kung ilang malalakas na lindol mula nang itayo ito noong 1914 bilang ehemplo ng American building design. Kabilang ito sa iilan lang na nakaligtas sa matinding bombahan sa Liberation of Manila noong 1945,” ani Bagatsing.
“Pero maligtasan kaya ng El Hogar ang kawalan ng historical sense ng nandyan ngayon sa city hall. Ako’y nalulungkot talaga sa nangyayaring ito.”
Sinabi ni Bagatsing na napakaganda ng Maynila at ito ay punung-puno ng kasaysayan ngunit ngayon ay nagiging biktima na ng urban decay dahil sa mismanagement ng Manila City Hall ng kasalukuyang mayor.
Oras na mahalal na mayor, sinabi ni Bagatsing na ibabalik niya ang ganda at sigla ng Maynila simula sa Escolta, na inilarawan niyang sagot ng Manila sa Rodeo Drive ng Los Angeles.
Sinabi niyang nakausap na niya ang ilang negosyante at urban planners kung papaano ibabalik ang old glory ng Maynila sa Escolta, Binondo, Roosevelt at Intramuros areas.