De Lima pinadadalo sa ‘Mamasapano’

Ayon kay Sen. Marcos, mahalagang malaman kung ano ang nagawa ng dating DOJ secretary sa halos isang taon niyang paghawak sa kaso ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force  (PNP-SAF) na nasawi noong Enero 25, 2015 Mamasapano, Maguindanao. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Hiniling ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na imbitahan din si dating Justice Secretary Leila de Lima sa gaga­wing muling pagdinig sa Mamasapano massacre na itinakda sa Enero 27.

Ayon kay Sen. Marcos, mahalagang malaman kung ano ang nagawa ng dating DOJ secretary sa halos isang taon niyang paghawak sa kaso ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force  (PNP-SAF) na nasawi noong Enero 25, 2015 Mamasapano, Maguindanao.

Bukod sa mga miyembro ng PNP-SAF, napatay din ang 18 kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), 5 mula sa Bansamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at pitong sibilyan kabilang na din ang bomb expert na si Zulkifli Abdhir alyas Marwan.

Sinabi ni Marcos na natatandaan niya ang mga naunang pahayag ni de Lima na aabot sa 90 katao ang posibleng masampahan ng kasong murder.

Nauna ng sinabi ni Sen. Grace Poe na nakumbida na nila ang pamunuan ng PNP at AFP at mga dating AFP, PNP officials na may kinalaman sa operasyon.

Pinabuksan muli ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ang imbestigasyon upang mabatid ang naging partisipasyon ni Pangulong Aquino sa Oplan Exodus.

Show comments