MANILA, Philippines - Naglipatan na sa United Nationalist Alliance ni Vice President Jejomar Binay ang mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Southern Leyte na pinangungunahan nina Vice Governor Sheffered Tan at Provincial Board member Albert Esclamado.
Ito ang ipinahayag ni UNA Secretary General JV Bautista sa isang pulong balitaan sa Cebu City kamakailan.
Si Tan ay kumakandidatong gobernador sa Southern Leyte laban kay Rep. Damian Mercado ng lone district ng lalawigan habang si Esclamado ay tumatakbong vice governor laban kay Councilor Coco Yap ng Sogod.
Ayon kay Bautista, simula pa lang ito ng mga pagpapahayag ng mga pangunahing kandidato sa iba’t-ibang lalawigan na sumama na sa UNA at lantaran nang mag-eendorso sa kandidatura ni Binay sa halalang pampanguluhan.
Ipinaliwanag ni Bautista na ipinasya niyang ipahayag sa Cebu City ang paglipat sa UNA ng maraming kasapi ng LP dahil sa lumalaking popularidad ni Binay sa Visayas.
Isa sa mga katunggali ni Binay sa halalang pampanguluhan si Mar Roxas na standard bearer ng makaadministrasyong LP.
“Dinala namin ang laban kahit sa balwarte ng pangunahing mga kalaban sa Visayas,” dagdag niya.
Sa susunod na linggo, merong idedeklara si Bautista na mga galaw sa pulitika sa Baguio City bago siya magtutungo sa Tacloban sa Leyte at sa Maynila.
Patuloy na nangunguna si Binay sa napipisil na maging pangulo sa halalan sa Mayo 2016 batay sa huling survey ng SWS at Pulse Asia.
Sinabi naman ni Tan na lumipat siya sa UNA dahil naging magulo ang LP sa kaayusang pulitikal sa mga miyembro sa Southern Leyte.
Binanggit niya na ang mga miyembro ng LP na kakandidato sa iba’t-ibang posisyon sa halalan ay hindi inindorso ng partido ng administrasyon.
Pinuna niya na mas inindorso ng LP ang mga kandidato ng mga kasalukuyang lokal na opisyal na hindi naman kasapi ng LP. Dahil dito, naitsapuwera ang mga orihinal na kasapi ng LP.