DOTC hatiin sa 2 ahensiya - Gatchalian

MANILA, Philippines – Nanawagan si Valenzuela City Congressman Win Gatchalian (NPC) kay Pangulong Aquino na hatiin sa dalawang ahensiya ang Department of Transportation and Communications.

Sinabi ni Gatchalian ng Valenzuela City na mayroong nakabimbing Senate Bill 2686 at House Bill 6198 na naglalayong magtayo ng Department of Information and Communications Technology Act of 2015.

“Sa naturang bills ay papangalanang Department of Transportation ang DOTC at magtatayo ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Ililipat sa DICT ang communication functions ng DOTC,” paliwanag ni Gatchalian.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan sa gitna ng COA report na gumugol ng P354.497 milyon ang DOTC noong 2014 para sa consultancy service na nasa ilalim ng tanggapan ni Secretary Jun Abaya.

“Dapat lagdaan agad ni Pangulong Aquino ang mga panukala kapag naipadala na sa kanya. Napakalaki ng DOTC para mapangasiwaan ng isang tao. Hindi mahahawakan ng iisang tao nang sabay-sabay ang mga problema sa transportasyon at komunikasyon,” sabi pa ni Gatchalian na kandidatong senador ng NPC.

Aniya, kaya malaki ang gastos ni Abaya sa consultancy services ay dahil sa dami ng attached agencies na nasa ilalim nito kaya dapat talagang hatiin sa dalawang ahensiya ang DOTC.

“Napakadaling kumuha ng consultant. Pero ibang usapin na kung talagang kailangan ang mga consultant na ito at kung naibibigay nila ang tamang payo kung paano imamantini ang mga linya ng MRT at LRT,” paliwanag ng kongresista.

Show comments