MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni Nationalist People’s Coalition (NPC) senatorial candidate Rep. Win Gatchalian sa Philippine National Police (PNP) na dapat magkaroon ito ng may kapani-paniwalang imbestigasyon upang mabatid ang pinagmulan ng armas na ginamit sa Jakarta attack noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng The Wall Street Journal, sinabi ni Indonesian Police spokesman Anton Charliyan na ang naarestong 12 katao sa isinagawang police operations ay umamin na ang ginamit nilang mga armas ay nagmula sa Pilipinas.
Sa data ng PNP, nasa 500,000 baril ang expired na ang mga lisensiya bukod sa 21,000 unlicensed firearms na karamihan nito ay nasa Mindanao.
Iginiit pa ni Rep. Gatchalian ng Valenzuela City, dapat lamang magkaroon ng credible investigation ang PNP hinggil sa kinukuwestyong mga armas upang hindi mapahiya ang bansa sa gitna ng kampanya ng ASEAN laban sa terorismo.
Sa Financial Transaction Reports and Analysis Center (FTRAC) ng Indonesian ay lumitaw na ang pinopondo sa terrorist activity ay pinambibili ng armas sa Pilipinas.
Pinaghihinalaan na ang mga kaalyadong grupo ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nasa likod ng pag-atake sa Jakarta noong Enero 14 kung saan 8 katao ang nasawi.
Mula pa noong 1990 ay mayroon nang ugnayan ang Jemaah Islamiyah ng Malaysia at Indonesia sa Abu Sayaff Group.