MANILA, Philippines - Lusot na sa komite sa Kamara ang panukalang batas na nagpaparusa sa mga pasaway na taxi drivers.
Ito’y matapos sang-ayunan ng lahat ng miyembro ng komite ang pagpasa sa substitute bill na naglalayong maprotektahan ang publiko laban sa mga abusadong driver ng taxi.
Ayon kay Transportation Committee Chairman at Catanduanes Cong. Cesar Sarmiento, napapanahon ang pag-apruba sa panukala dahil sa dumaraming reklamo laban sa mga taxi driver.
Sa ilaim ng panukala, inoobliga ang mga taxi driver na kumuha ng tamang lisensya, magsuot ng maayos at magpakita ng official identification card.
Dapat din silang maging magalang at hindi nakainom ng alak o nasa impluwensya ng iligal na droga.
Mahigpit ring ipinagbabawal ang mangontrata at mamili ng pasahero kaya dapat silang ihatid kahit saang destinasyon malayo man o malapit at kahit ma-traffic sa daraanan.
Karapatan din ng pasahero ng taxi na magpasundo at magpahatid saan mang lugar, at kahit gaano man ito kalayo.
Maaari rin itong magdikta ng ruta sa taxi driver o ang mabigyan ng mas maikli at mas matipid na ruta gayundin ang malayang makita ang metro ng taxi at magbayad ng eksaktong halaga ng pamasahe.
Kailangan din bigyan ng eksaktong barya ang pasahero at mabigyan ng resibo.
Habang pinasisiguro din sa operator na ang bawat unit ng taxi ay may automatic door lock system subalit disabled ang lock nito para maaaring magbukas ng pinto ang pasahero anumang oras.
Sa sandaling maisabatas ang mga lalabag dito ay pagmumultahin ng mula P1,000-P5,000 at masususpinde ang lisensya ng mula isang linggo hanggang 1 taon.