MANILA, Philippines – Tagisan ng mga hukom at abogado ang naging senaryo sa isinagawang oral argument kahapon ng Supreme Court kaugnay sa isyu kung kuwalipikado ba o hindi si Sen. Grace Poe na tumakbo sa 2016 presidential elections.
Ang 1935 Constitution ang iiral sa kaso ni Sen. Poe dahil siya ay isinilang nuong September 3, 1968.
Ipinunto ni Senior Justice Antonio Carpio kay Atty. Alex Poblador, abugado ni Poe, ang naging pananaw sa 1934 Constitutional Convention ng mga delegado na sina “Rafols” at “Roxas”.
Ang bahagi ng nasabing convention ay kasama sa mga ginamit na argumento ni Poe nang maghain sila ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman para kwestiyunin ang desisyon ng Comelec En Banc na kanselahin ang kanyang Certificate of Candidacy sa pagkapangulo.
Sa nasabing convention, sinabi ni Rafols na dapat ikunsidera ang mga batang may “unknown parentage” bilang mga natural-born citizen.
Pero tugon ni Roxas, hindi na kailangan pang isali ang nasabing probisyon sa Konstitusyon dahil ito naman ay kinikilala na sa international law.
Sa pagtatanong naman ni SC Justice Mariano del Castillo, kung iginigiit ng kampo ni Poe na ang senadora ay natural-born Filipino kahit siya pa ay foundling, lalabas na tila isinusulong nito ang tinatawag na citizenship by presumption.
Pero paliwanag ni Poblador, ang paggigiit nila na si Poe ay natural-born Filipino ay nakabatay sa rules of presumption at sa prinsipyo ng burden of proof. Naniniwala kasi si Poblador na ang burden of proof na si Poe ay hindi natural born citizen ay nakaatang sa kampo ng mga respondent.
Dahil hindi naman aniya sumailalim sa naturalization process si Poe, ang mas kapani-paniwalang presumption ay isinilang siya mula sa mga magulang na Pilipino.
Naungkat din kung bakit inabot pa ng apat na taon bago nag-renounce si Poe ng kanyang US citizenship.
Nagawang mare-acquire ni Poe ang kanyang Filipino citizenship sa ilalim ng RA 9225 nuong 2006, pero October 2010 lamang siya nag-execute ng kanyang affidavit of renunciation of American citizenship.
Bilang tugon, sinabi ni Poblador na ito ay dahil nuon lamang din 2010 siya itinalaga sa pwesto ni Pangulong Aquino bilang MTRCB Chairperson.
Kinuwestiyon ito ni del Castillo sa tanong na kung hindi ito itinalaga ni Pangulong Aquino, hindi siya permanenteng mananatili sa bansa?
Kinuwestiyon din ng dalawang hukom ang paggamit ni Poe ng Balikbayan visa na temporary in nature nang bumalik ito sa bansa noong 2005.
Ayon kina Carpio at del Castillo, dapat na ipaliwanag ni Poblador ang paggamit nito ng temporary sa halip na permanent visa kung nais na nitong manirahan sa bansa.