MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ng isang good governance group ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa isyu ng medical assistance na nakalaan para sa lahat ng nangangailangan ng tulong.
Sa pahayag ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE), wala umanong basehan ang sinasabing may pinapaboran ang ahensya sa pagbibigay ng medical assistance makaraang akusahan ni Chairman Ayong Maliksi nitong nakaraang Nobyembre na may VIP treatment sa mga mayayaman at may koneksyon sa ahensya.
Una na ring itinanggi ng ilang opisyal ng PCSO ang akusasyon ni Maliksi at iginiit na ang pagbibigay ng assistance ay idinidepende sa ebalwasyon sa “socio-economic status” ng pasyente at sinasakop ang parte ng “net bill” sa pagamutan.
Sinabi ni FATE president Jennifer Castro na nadiskubre nilang may isang “Celestino Ama” na nakatanggap ng P2 milyong medical assistance buhat sa PCSO. Nais pagpaliwanagin ng FATE si Maliksi dahil sa impormasyon na tsuper umano nito si Ama.
Sa datos, naratay si Ama sa Philippine Heart Center may 10 buwan matapos na maupo si Maliksi sa PCSO at aabot sa P2 milyon ang naibigay na assistance dito. Kung totoong tsuper ito ni Maliksi, magiging kabaligtaran umano ito sa pahayag ng opisyal sa pagtutol sa VIP treatment sa PCSO.
Matatandaan na kasama rin sa itinanggi ng ilang opisyal ng PCSO ang akusasyon ni Maliksi na mas pinapaboran ang pasyenteng may koneksyon sa ahensya at ang pagbibigay umano ng guarantee letter sa araw na ibinigay ang “request”.
Nilinaw ng PCSO na ibinibigay lamang ang guarantee letter ng ahensya sa mga pasyente na kailangan nang ma-discharge sa pagamutan para hindi lumaki ang bill at kung mababa sa P100,000 ang bill.