MANILA, Philippines - Nangako si Vice President Jejomar Binay na isa sa kanyang magiging prayoridad na mabigyan ng tamang benepisyo ang mga senior citizens sakaling palarin sa presidential elections sa Mayo.
Ayon kay Binay, kontra siya sa desisyon ni Pangulong Benigno Aquino III na i-veto o ibasura ang panukalang batas na dagdagan ng P2,000 across the board ang buwanang pension ng mga senior citizens na miyembro ng Social Security System.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa mula sa tatlong araw na pagbisita sa United Arab Emirates, sinabi ni Binay na dapat na mabigyan sa mga senior citizen ang kanilang pinaghirapang bayad sa SSS.
“Di ko pa nalalaman kung anong laman ng panukalang batas at ‘di ko lang maitindihan, pinag-usapan nang mahaba pero pagdating sa bandang huli, hindi pala matutuloy. Kasi ang Pangulo naman kung ayaw niya, nahaharang niya. Bakit pinabayaan niyang dumaan sa mahabang proseso,” ani Binay.
Sinabi ni Binay na kapag siya ang nabigyan ng pagkakataon na pamunuan ang bansa, gagawa siya ng hakbang upang maprayoridad ang kapakanan ng mga SSS members kabilang na ang mga senior citizen.
Tiniyak ni Binay na kapag siya ang nahalal na Pangulo, una niyang gagawin sa kanyang unang 100 araw sa panunungkulan na kausapin ang mga Kongresista, Senador at maging ang Korte Suprema kaugnay sa nasabing panukala upang wala umanong maaksayang panahon.
“Pasado sa Kongreso, sa Senado, pagkatapos mave-veto,” panghihinayang ni Binay.
Umani ng pagbatikos ang pangulo sa hanay ng netizens lalo na ang mga seniors matapos nitong ibasura ang nasabing P2k pension hike dahil umano sa posibleng mabangkarote ang SSS.