MANILA, Philippines – Huwag gamitin ang CCT program sa 2016 elections.
Ito ang paalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines -Episcopal Commission on the Laity sa administrasyon ng Pangulong Noynoy Aquino III.
Ayon kay Pabillo hindi umano dapat na gamitin ng Pangulong Aquino ang CCT program lalo pa’t inihayag ng Asian Development Bank (ADB) na naaprubahan ang karagdagang $400-million na uutangin ng gobyerno para sa CCT program ng pamahalaan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang pondo ng CCT ay galing sa pondo ng bayan kayat hindi nararapat na magamit ito sa pamumulitika ngayong nalalapit na 2016 national election.
Kasabay nito, iminungkahi ng Obispo sa pamahalaan na gumawa ng long term solution para labanan ang kahirapan ng bansa tulad ng pagpapataas ng pension ng mga mahihirap na pensiyunado sa Pilipinas.
“Kaya nga yung lasting solution sana ay tulad ng pagtataas sana ng pension ng SSS, pagpapatupad ng Magnacarta for the Poor”, ani Bishop Pabillo.
Samantala, kinuwestyon ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo ang kredibilidad ng kontrobersyal na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) o Conditional Cash Transfer (CCT) program ng pamahalaan.
Binigyan diin ni Bishop Bagaforo na inalis ng CCT program ang kultura ng mga Pilipino na tumayo sa sariling paa gayundin ang kanilang dignidad bilang tao.