MANILA, Philippines – Tuluyan ng ibinasura ni Pangulong Aquino ang P2,000 across-the-board increase sa monthly pension ng Social Security Sytem (SSS) members matapos hindi lagdaan ang naturang panukalang batas sa Kongreso.
Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, ipinaalam na ni Pangulong Aquino sa liderato ng Kamara at Senado ang pag-veto nito sa House Bill 5842.
Layon ng panukala na dagdagan ng P2,000 ang SSS pension at i-adjust ang P1,200 minimum monthly pension na magiging P3,200 para sa mga miyembro na nakapaghulog ng katumbas na 10 credited years of service (CYS), at mula P2,400 ay magiging P4,000 sa mga at least 20 CYS.
Sa veto message ng Pangulo, ikinatwiran nito ang magiging stability ng SSS benefit system kung saan ay mayroong 31 milyong miyembro habang nasa 2 milyon naman ang mga pensioners nito.
“The P2,000 across-the-board pension increase with a corresponding adjustment of the minimum monthly pension will result in substantial negative income for the SSS. More specifically, the proposed pension increase of P2,000.00 per retiree, multiplied by the present number of more than two million pensioners, will result in a total payout of P56 billion annually. Compared against annual investment income of P30 billion - P40 billion, such total payment for pensioners will yield a deficit of P16 billion - P26 billion annually,” nakasaad pa sa veto message ng Pangulo.
Idinagdag pa ni PNoy sa kanyang veto message, mapipilitan ang SSS na kumuha at gamitin ang kanilang Investment Reserve Fund (IRF) kung papayagan niya ang dagdag pa P2,000 sa monthly pension ng mga pensyonado ng SSS kung saan ay malamang na maubos na ang IRF pagdating ng 2029.