MANILA, Philippines – Kinatigan ng Korte Suprema ang naunang desisyon kaugnay sa diskuwalipikasyon nina Rizalito David at Elly Pamatong sa 2016 polls sa pagsasabing nuisance candidate ang mga ito.
Batay sa desisyon ng SC en banc, walang pag-abuso sa kapangyarihan ang poll body sa naging pagbasura sa certificate of candidacy (CoC) nina David at Pamatong.
Nauna nang sinabi ng Comelec na nabigo ang dalawa na patunayan ang kakayahan ng mga ito na makapaglunsad ng isang nationwide campaign.
Bago pa man ang SC ruling, tinanggal na ng Kapatiran Party sa kanilang grupo si David dahil sa akusasyon na nagpapa-gamit ito sa ilang mga pulitiko. Si David ay nakilala bilang isa sa petitioners ng disqualification cases ni Sen. Grace Poe.
Habang si Pamatong ay naging laman ng mga balita nang magsunog ito ng bandila ng China at magpakalat ng mga spike sa lansangan.
Si David ay tumatakbong senador, habang pagka-pangulo naman ang nais ni Pamatong.