MANILA, Philippines – Hindi na pinayagan pa ng tanggapan ng Ombudsman na makapuwesto pa sa alinmang ahensiya ng pamahalaan ang isang incumbent councilor ng Caloocan City matapos mapatunayang guilty sa reklamo ng mag-asawang vendor na kanya umanong kinotongan noong ito ay barangay chairman pa.
Sa nilagdaang kautusan ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur H. Carandang, inatasan nito si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na ipatupad ang pag-aalis sa tungkulin kay City Councilor Ernesto “Teben” Cunanan na noon ay kapitan ng Barangay 8 ng naturang lunsod.
Bunga nito, kinansela rin ng Ombudsman ang eligibility at retirement benefits ng konsehal.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong grave misconduct na isinampa ng mag-asawang Eduardo at Josephine Libres sa Ombudsman nang umano’y gibain ang kanilang tindahan ng uling nang hindi makapagpatuloy sa P1,500 “buwanang butaw” na puwersahan umanong hiningi sa kanila ni Kapitan Cunanan.
Sa kabila ng pagbabayad ng mag-asawa ng halagang P9,300 na butaw, wala umanong inisyung resibo ang barangay hinggil dito.
Nang hindi na umano maipagpatuloy ang butaw ng mag-asawa dahil nagamit na pambili ng gamot ang kanilang pera, ipinademolis ng barangay ang kanilang tindahan subalit ang ibang mga vendors sa kanilang paligid ay hindi naman giniba.
Sa depensa ni Cunanan, sinabi nitong hindi niya puwersahang hiningian ang mag-asawa dahil boluntaryo itong nag-alok ng P1,500 na buwanang tulong sa barangay subalit hindi ito kinatigan ng anti-graft court.