Modernong elevated parking building itatayo

MANILA, Philippines – Para masolusyunan ang dekadang problema sa illegal vendors at ma­tinding trapiko sa Bacla­ran, isang modernong elevated parking building ang itatayo ng pamahalaan ng Paranaque City kasabay ng konstruksyon ng LRT 1 extension papuntang Bacoor, Cavite ngayong taon.

Inihayag ni Mayor Edwin Olivarez na ang apat na palapag na gusali ay magiging karugtong ng Baclaran LRT station na gagawin sa ilalim ng public-private partnership (PPP) program na kasalukuyang pinagpipilian sa mga malalaking construction company sa bansa.

Ang P64 billion LRT Extension mula Bacla­ran hanggang Cavite ay gagawin ngayong taon ng higanteng construction companies ng Metro Pacific Investment Corp. at Ayala Corp. Ang proyekto ay may habang 11.7-kilometer at may 7 bagong station.

Sa isang press confe­rence, inihayag ni Olivarez na ang halos 2,000 vendors sa kahabaan ng Redemptorist Road at Roxas Boulevard service road ay kanilang ililipat sa 2nd floor ng gusali.

Kapag sinimulan na ang proyekto ngayong first quarter ng 2016, ang konstruksyon nito ay matatapos sa 2018 at tatawagin itong “Redemptorist Flea Market and Parking Building”, pahayag ni Olivarez.

Show comments