MANILA, Philippines – Hinikayat kahapon ni Sen. Chiz Escudero si dating Metro Rail Transit 3 (MRT-3) general manager Al Vitangcol na isapubliko na ang lahat ng nalalaman niya sa $1.5 milyong kontrata para sa pagmantina ng naturang linya ng tren, na naging basehan ng kasong isinampa sa kanya.
Halos isang buwan makaraan nang siya ay kasuhan sa Sandiganbayan, umalma si Vitangcol dahil minadali aniya ang paghahabla sa kanya.
Nanindigan din si Vitangcol na ang DOTC ang mismong naggawad ng kontrata.
Una ng lumabas sa mga balita na ang kontrobersyal na kontrata sa pagmamantina ng MRT ay ibinigay sa Philippine Trams Rail Management Service Corp. (PH Trams) at nabuo noong hepe pa ng DOTC ang manok ng Liberal Party sa pagka-pangulo na si Mar Roxas.
Inabswelto ng Office of the Ombudsman ang kasalukuyang hepe ng DOTC na si Joseph Emilio Abaya sa anumang kaso kaugnay ng kasunduan dahil sa dalawang araw pa lang siya sa trabaho nang pirmahan ang kontrata.
Ayon kay Escudero, dapat ilahad ng dating pinuno ng MRT kung ano ang kinalaman ng mga opisyal ng DOTC sa diumano’y maanomalyang kontrata dahil iniwan din naman siya sa ere at ngayon ay sinasangkalan sa kaso.
“Hindi dapat matakot si Ginoong Vitangcol na magsalita. Bakit niya isasakripisyo ang kanyang sarili, ang kanyang trabaho, ang buhay niya at ang pangalan niya kung may iba pang tao na nasa likod ng kwestiyonableng kasunduan? Dapat lang niyang linisin ang kanyang pangalan at sabihin ang kanyang nalalaman,” wika ni Escudero.
Nauna nang sinabi ni Vitangcol na ginawa lang siyang “sacrificial lamb” at pinapanagot sa 10-buwang kontrata para sa maintenance ng MRT 3 na ginawad sa PH Tram, kung saan direktor ang tiyuhin ng kanyang asawa.
May 20 opisyal ng DOTC ang naunang pinangalanan ng Ombudsman na sangkot sa kontrata ngunit si Vitangcol lang ang kinasuhan, samantalang kabilang sa inabswelto si Abaya.
Umangal naman si Vitangcol dahil pinagkakaisahan siya at nilaglag kinalaunan, sa kabila ng pangako ng isang emisaryo na tutulungan siya sa kaso.
Ayon pa kay Escudero, walang iba pang may kapangyarihan at impluwensya na mas mataas kay Vitangcol na posibleng sangkot sa maintenance contract kung hindi sina Roxas at Abaya.
Lumabas ang rebelasyon ni Vitangcol sa araw din na sinabi ni PNoy patuloy niyang pinagkakatiwalaan si Abaya at mananatili itong kalihim ng DOTC hanggang matapos ang kanyang termino sa Hunyo.