MANILA, Philippines – Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating San Jose, Occidental Mindoro Mayor at dating kongresistang si Jose Villarosa kaugnay sa warrant of arrest na inisyu ng Sandiganbayan.
Nabatid sa NBI-Region 4-B na hinarang na sa pagsakay sa roll-on/roll-off (RORO) vessel sa Pier ng Calapan, Oriental Mindoro alas 4:00 ng hapon noong nakalipas na Miyerkules (Enero 6), na sana’y patungo ng Batangas.
Isinilbi ng mga operatiba kay Villarosa ang inisyung arrest warrant ni Sandiganbayan Fourth Division Associate Justice Jose Hernandez hinggil sa kinasangkutang 12 bilang ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 220 ng Revised Penal Code o Technical Malversation kaugnay sa maling paggamit ng pondo noong siya ay alkalde taong 2010 sa bayan ng San Jose.
Gayunman, nabatid na kahapon ng hapon ay nakalaya rin si Villarosa matapos maglagak ng piyansang P432,000.