Mahihinang pag-ulan asahan - PAGASA

MANILA, Philippines – Asahan na sa mga susunod na mga araw sa pagpasok ng taong 2016 ang mahihinang mga pag-ulan at mga pag-ambon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa PAGASA, ang northeast monsoon at tail end of a cold front na nagdudulot ng malamig na panahon ang magdadala ng mahihinang mga pag-ulan sa Luzon.

Nitong Bagong Taon ay naranasan ang mahihinang pag-ulan sa Luzon kabilang ang Metro Manila sanhi ng northeast monsoon.

Samantala makakaranas din ang rehiyon ng Visayas at Mindanao ng bahagya at paminsan-minsang katamtaman hanggang sa mala­lakas na pag-ulan.

Sa pagtaya ng weather bureau, mananatili ang naturang lagay ng panahon hanggang Enero 4 at posibleng hanggang ilang araw pa.

Inihayag pa ng PAGASA na ang northeast monsoon ay magdudulot ng malamig na hangin sa Enero at Peb­rero na siyang magiging pinakamalamig na buwan sa taong ito.

Nananatili naman ang gale warning sa hilangang Luzon sanhi ng northeast monsoon kung saan ay magiging maalon ang karagatan partikular na sa hilagang Luzon.

Idinagdag pa ng PAGASA na sa kabila nito ay wala pa namang namomonitor na masamang lagay ng panahon sa mga susunod pang mga araw  ng taong ito.

Show comments