Binatilyo patay sa 3 naka-traysikel

MANILA, Philippines – Patay ang 16-anyos na binatilyo at sugatan naman ang kaibigan nito nang pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang lalaki na nakasakay sa tricycle kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si John Cedric Alfaredo, isang out-of-school-youth, huling nanirahan sa #2511-R Galvez Compound Aurora St., Barangay-104, Zone-11 ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa maselang parte ng katawan buhat sa isang kalibre .45 baril.

Nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit na pagamutan si Gabriel Calvin James Arevalo, 16,  estudyante at residente ng #566-16 De Agosto St., ng naturang barangay, nagtamo rin ito ng tama ng bala sa katawan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek at nagsasagawa pa ng follow-up laban dito.

Sa imbestigasyon nina PO3s Alberto Barangas Jr. at Giovanni Arcinue, ng Criminal Investigation Division (CID) Pasay City Police, naganap ang insidente alas-10:30 ng gabi sa harapan ng Galvez Compound Aurora St.,  Barangay-104, Zone-11  ng nasabing lungsod.

Nabatid na magkasama ang mga biktima at habang nagbibiruan ang mga ito bigla silang tinapatan ng isang tricycle na PACTODA na may body number 0220 at plakang PX-6994 sakay ang tatlong suspek.

Walang salitang pinaulanan ng bala ang mga biktima saka mabilis na tumakas.

Ayon kay Arevalo, isang kalaban nilang grupo ang nagbanta sa kanila hinggil aniya sa pagkamatay ng isang Irish Arzadon nitong nakaraang Dis­yembre 5 sa Santo Nino, Barangay 104 Zone-11 sa nabanggit na lugar.

Base pa rin sa report, lumalabas na ang tricycle na ginamit ng mga suspek ay inabandona sa panulukan ng Park Avenue at Arnaiz St. na ang driver umano nito ay isang Bernabe Agustin “alias Loloy”, 44, na hinahanting na ng mga pulis.

Show comments