MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Pangulong Aquino na pinakamalaking accomplishment ng kanyang administrasyon ang pagbabago sa attitude ng mga mamamayan sa pakikitungo sa gobyerno.
Sinabi ni Pangulong Aquino na kung dati ay nawalan na ng tiwala ang mamamayan sa gobyerno, ngayon ay aktibo na silang nakikibahagi at minsan “demanding” na rin sa mga programa.
Ayon pa sa Pangulo, resulta ito ng masigasig na kampanya laban sa katiwalian at pagsasaayos sa government spending.
Kasabay nito, inamin ni Pangulong Aquino na kabilang sa pinakamatinding hamon ang burukrasya sa gobyerno.
Bagama’t nais nitong mapadali ang ilang proyekto, may mga batas at prosesong kailangang sundin lalo sa procurement process.
Suwerte na raw kung makompleto lahat ng requirements sa loob ng anim na buwan kung saan posibleng nagbago na ang presyo ng bibilhing kagamitan.
Samantala, patuloy sa pagpapaalala si Pangulong Aquino kaugnay sa tamang pagpili ng bagong lider ng bansa sa 2016 elections na aniya’y referendum sa Daang Matuwid.
Giit ni Pangulong Aquino, sa darating na halalan, nasa kamay ng bawat Pilipino kung maitutuloy ang pagkumpuni at pagpapatibay ng bahay o matitibag ito pabalik sa dating mahinang pundasyon at bulok na kondisyon.
Nasa kamay na rin daw ng bawat botante ang kinabukasan ng ating mga anak, mahal sa buhay at kapwa.
“Sa susunod na taon, nasa kamay muli ng bawat Pilipino kung maitutuloy natin ang pagkukumpuni at pagpapatibay sa ating bahay, o matitibag ito pabalik sa dating mahinang pundasyon at nabubulok na kondisyon. Ididiin ko po: Kayo pong mga Boss, nasa mga kamay ninyo ang kapalaran ng ating minamahal na bayan; nasa kamay ninyo ang kinabukasan ng inyong mga anak, ng inyong mga mahal sa buhay, at ng inyong kapwa. Tiwala naman ako, sa gabay at tanglaw ng Panginoon ay talagang maitutuloy natin ang maganda nating nasimulan,” dagdag ni Pangulong Aquino.