MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Martes na binitay na ang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.
Sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose na ganap na 2:20 ngayong hapon binitay ng Riyadh Grand Court si Joselito Zapanta, 35.
Kinasuhan ng murder with robbery si Zapanta noong 2010 matapos mapatay ang amo niyang Sudanese nang makasagutan niya ito dahil sa bayad sa renta.
Hindi na naman iuuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Zapanta dahil kaagad na itong inilibing.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang DFA sa mga naiwan ng OFW.
"We offer our sincere condolences to his family and loved ones for their loss," pahayag ng DFA.
May pag-asa sanang hindi matuloy ang pagbitay kay Zapanta nang mapagkasunduan nila ng pamilya ng biktima na magbayad na lamang ang Pinoy ng P48-milyon blood money, ngunit P23 milyon lamang ang naipon.