MANILA, Philippines – Inamyendahan ng Korte Suprema ngayong Martes ang inilabas nilang temporary restraining orders (TRO) laban sa desisyon ng Commission on Elections na diskwalipikahin si Sen. Grace Poe sa eleksyon 2016.
Sa binagong TRO ay pinagkokomento nila sa loob ng 10 araw ang mga naghain ng disqualification case sa Comelec kontra kay Poe.
Kabilang sa mga naghain ng reklamo ay sina dating Sen. Francisco "Kit" Tatad, dating Government Service Insurance System legal counsel Estrella "Star" Elamparo, dating University of the East College of Law Dean Amado Valdez at De La Salle University Professor Antonio Contreras.
Sa inilabas na TRO kahapon ay tanging ang Comelec lamang ang hinihingian nila ng komento.
Inilabas ng mataas na hukuman sa pamumuno ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang TRO kahapon kasunod ng paghahain ng apela ng kampo ni Poe.
Nakatakda ang oral arguments para sa petisyon ni Poe na baligtarin ang hatol sa kaniya ng Comelec sa Enero 19, 2016.
Sina Associate Justices Mariano C. Del Castillo at Marvic F. Leonen ang hahawak sa kaso ni Poe.