MANILA, Philippines – Dapat bantayan ng mga katunggali, lalo na ni Sen. Chiz Escudero, ang pagtaas ng rating sa survey ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo, ayon kay Social Weather Stations President Mahar Mangahas.
Ayon kay Mangahas, isa sa mga nakaagaw-pansin sa SWS survey na ginawa mula Dec. 12-14 ang pag-akyat ni Robredo patungong ikalawang puwesto kasama si Sen. Bongbong Marcos na parehong may 19 percentage points.
Mula sa huling survey noong Nobyembre, nakakuha si Robredo ng dagdag na pitong puntos habang nawalan si Marcos ng limang puntos sa bagong survey na nilahukan ng 1,200 katao.
Naungusan din ni Robredo si Sen. Alan Peter Cayetano, na lamang pa ng siyam na puntos sa kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur noong Nobyembre.
Kasabay ng dagdag na pitong puntos ni Robredo, nawalan naman si Cayetano ng apat na puntos, kaya bumagsak na lang ito sa ikaapat na puwesto.
Kahit nanatili pa si Escudero sa unang puwesto dala ang 30 porsiyento, hindi dapat magkumpiyansa ang senador, lalo pa’t nabawasan ang kanyang lamang kay Robredo mula 18 percent patungong 11 percent.
Sa kabuuan, umakyat si Robredo ng 16 puntos mula sa dating tatlong porsiyento noong Setyembre, ang unang pagkakataon na isinama ng SWS ang kanyang pangalan sa survey.
Umangat din si Robredo sa Pulse Asia, kung saan pumang-apat siya sa survey na ginawa mula Dec. 4-11 dala ang 14 percent rating. Ito’y maituturing na malaking pag-angat dahil nagsimula siya sa ilalim ilang buwan ang nakalipas.