2 Pinoy kinasuhan sa pagtatapon ng basura sa US waters

MANILA, Philippines – Dalawang tripulanteng Pinoy ang isinakdal ng United States Department of Justice (US-DOJ) dahil sa umano’y ilegal na pagtatapon ng oily waste sa karagatang sakop ng Amerika.

Ayon sa report, ibinalik ng federal grand jury sa Greenville, North Carolina ang 9 counts indictment laban kina chief engineer Rustico Yabut Ignacio at second engineer Cassius Flores Samson, pawang ship officer ng Greek-owned ship Ocean Hope dahil sa nasabing kaso.

Ang dalawang Pinoy seafarers ay kinasuhan noong Disyembre 15 dahil sa umano’y ilegal na pagtatapon ng mala­ngis na basura sa US waters.

Inakusahan ang dalawang tripulante na gumamit ng “magic pipe” bilang kapalit ng pollution prevention equipment.

Inimpluwensyahan din umano ng dalawa ang kanilang kasamahang crew sa barko na gawin ang nasabing pandaraya, magsagawa ng pekeng log entries at magsinungaling sa mga imbestigador ng US Coast Guard na nagsagawa ng pagsisiyasat sa insidente ng ilegal na pagtatapon ng basura sa kanilang karagatan. (Ellen Fernando)

 

Show comments