MANILA, Philippines – Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa umano’y training camp ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na itinayo sa Mindanao na ipinoste sa social networking site.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, wala pang malinaw na beripikasyon sa nasabing training camp na ipinakalat ng mga nagpakilalang ISIS sa You Tube.
“The video material has been brought to our attention and we already have a copy of it, and we’ve submitted this for validation and authentication by our cyber forensics unit,” sabi ni Padilla.
Maging ang Abu Sayyaf na namumugad sa Sulu at Basilan at ang bagong sibol na Anwar Khalifa bagaman nakikisimpatiya at iniidolo ang ISIS ay hindi pa mai-establisa kung may direktang ugnayan sa nasabing mga dayuhang jihadist.
Ayon pa sa opisyal, ginagamit rin umano sa propaganda ng naturang mga bandido ang ISIS at iba pang Islamic terrorist movements tulad ng Al Qaeda upang palitawin na ang kanilang grupo ay kabilang sa mga teroristang dapat na katakutan sa buong mundo.
Naghihinala naman ang opisyal na ang nasabing video sa You Tube ay upang manghikayat lamang ng mga ire-recruit sa kanilang grupo sa pamamagitan ng social media channels.
Iginiit ni Padilla na sa kasalukuyan ay pinakamabilis gamitin ang social networking site para maka-recruit ng mga bagong miyembro.