MANILA, Philippines – Magkakaroon na ng boses ang mga barangay pagdating sa pagtatakda ng pondo sa mga proyekto’t programa para sa kanilang nasasakupan, ayon kay Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo.
Ibinalita ni Robredo sa kanyang pagbisita sa Ipil, Zamboanga Sibugay na pumayag na ang Department of Budget and Management (DBM) na isulong ang bottoms-up budgeting (BUB) sa mga barangay.
Ang BUB ay sinimulan ng asawa ni Leni na si Jesse Robredo noong mayor pa ito ng Naga kung saan kasama ng pamahalaan sa pagbalangkas ng budget ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor.
Ayon kay Robredo, ang BUB ay isang paraan upang mabigyan ng malakas na boses ang taumbayan, lalo na pagdating sa mga isyung may kinalaman sa kanilang kapakanan.
“Kailangan ng people empowerment upang maramdaman ng taumbayan na kabahagi siya ng gobyerno at hindi siya kalaban dahil may boses siya,” wika ni Robredo.
Samantala, pabor naman si Robredo sa tinatawag na local autonomy sa halip na pederalismo upang mas mapalakas pa ang local government unit.
Para kay Robredo, ang susi ay mabigyang boses ang lahat ng stakeholders upang may maiambag sila sa pagsulong ng bansa.