MANILA, Philippines – Nakahanda na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay ng pagtama ng bagyong Onyok na nagbabadyang magdulot ng flashflood at landslide sa rehiyon ng Mindanao.
Ito’y sa gitna na rin ng pagiging abala ng mga opisyal ng disaster agencies at ng lokal na pamahalaan sa malawakang pagbaha sa Bulacan at Pampanga gayundin sa pinsalang iniwan ng bagyong Nona sa Southern Luzon, Bicol Region, Central Luzon at Northern Samar.
Ayon sa NDRRMC, nakahanda na ang tropa ng mga sundalo at iba pang rescue units para tumulong sa paglilikas ng mga residente na posibleng maapektuhan ng mga pagbaha at maging ng pagguho ng lupa. Handa na rin ang mga relief goods, mga kagamitan tulad ng military truck sa search and rescue operation at iba pa.
Nitong Biyernes ay itinaas na ang storm signal number 1 sa maraming mga lugar sa Mindanao kaugnay ng inaasahang pagtama sa kalupaan ni Onyok sa Caraga Region kung saan nagbubuhos na ito ng matinding mga pag-ulan sa Surigao del Sur at Davao Oriental.
At habang naghahanda ang mga opisyal ng gobyerno sa posibleng epekto ni Onyok kabilang ang pagpapatupad ng preemptive evacuation ay dumanaras naman ng matinding mga pagbaha ang lalawigan ng Pampanga at Bulacan dahil sa tubig na rumagasa galing sa Sierre Madre Mountain.
Sa ulat, dumaranas ng matinding mga pagbaha ang Central Luzon kabilang ang Nueva Ecija at Aurora.
Sa inisyal na ulat ng NDRRMC, umaabot na sa P935.192,943 M ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura ng bagyong Nona. Naitala naman sa 165,554 pamilya o katumbas na 742,991 katao ang inilikas.
Nasa 2 lungsod at 14 munisipalidad ang wala pa ring supply ng kuryente habang patuloy na ginagawa ang mga linya ng telekomunikasyon sa Oriental Mindoro, Masbate, Romblon, Sorsogon, Eastern Samar, Northern Samar Western Samar.
Lumobo na rin sa 17 katao ang bilang ng mga nasawi at 20 ang nasugatan pero ayon sa mga opisyal sa mga apektadong rehiyon ay aabot na sa 31 ang namatay sa bagyo.