MANILA, Philippines – Mga pasahero ng Light Rail Transit (LRT) 2 sa rutang Recto hanggang Santolan naman ang ililibre ng San Miguel Corporation (SMC) sa mas pinalawak nitong programa na Libreng Sakay.
Ang proyektong ito ay kasunod ng nauna nang inilunsad na programa ng San Miguel na libreng sakay ng bus, mula Malanday, papuntang Edsa, Ayala, hanggang NAIA Coastal at pabalik. Sinimulan ng San Miguel ang proyekto noong Setyembre, bilang bahagi ng pagdiriwang nito ng ika-125 anibersaryo.
Labing-anim na bus ang inarkila ng kumpanya para magpasakay ng libre sa mga pasahero tuwing rush hour. Sa ngayon, mahigit 110,000 na pasahero na ang nakinabang sa proyekto, na tatagal hanggang sa araw ng Pasko.
Sa pagsisimula ng proyekto sa LRT-2 ay inaasahang mas maraming pasahero ang makikinabang. Humigit-kumulang 200,000 na pasahero ang gumagamit ng LRT-2 na may kabuuang 13 kilometro mula Recto hanggang Santolan.
“Simple lang ang konsepto sa proyekto. Gusto lang namin makapagpasaya ng mga pasahero, ang mapangiti sila kapag nalaman nilang libre ang sakay nila. Hindi po ito promo; walang advertising o gimik. Sana lang ay makita ng mga pasahero na kahit anong simpleng kabutihan na magagawa nila sa kapwa, ay malaking bagay na,” wika ni Mr. Ramon S. Ang, president at chief operating officer ng SMC.
Mga empleyado ng San Miguel ang tutungo sa Cubao LRT Station sa mga piling mga araw upang mamigay ng LRT stored-value cards. Ang proyektong ito ay alinsunod pa rin sa corporate slogan ng San Miguel na “Your World Made Better.”
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Honorito D. Chaneco, kapuri-puri ang pagpapalawig ng San Miguel sa libreng sakay para naman sa LRT-2.