MANILA, Philippines – Mayroong 62 panukalang batas ang napagtibay ng Kongreso sa ilalim ng anim na taon ng Aquino administration.
Sa listahan na inilabas ng Kamara, ang nasabing mga panukala ay pawang mga landmark na batas na napagtibay ng kongreso sa loob ng 15th at 16th Congress o katumbas ng anim na taon.
Kabilang sa mga landmark legislation ang adjustment ng ceiling ng 13th month pay, mandatory Philhealth coverage ng mga nakatatanda, free mobile alerts sa tuwing may kalamidad, anti-bullying act, anti-drunk driving law, K-12 law, gayundin ang mandatory biometrics voters registration law.
Kasama rin sa napagtibay ang Kasambahay law, Sin Tax law, Peoples Survival Fund Act at Reproductive Health law.
Sa kabila nito pinasaringan pa rin ni minority leader Ronnie Zamora ang naging performance ng Kongreso at sinabing hindi sulit ang nailaang pondo rito.
Pinaringgan din ni Zamora ang liderato ng Kamara dahil hindi umano nito naaksiyunan ang mga panukalang hinihintay ng publiko tulad ng Freedom of Information (FOI) bill at ang Anti-Political Dynasty law.
Bukod dito hindi rin umano naipapasa ng kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at ang Salary Standardization Law of 2015 na magbibigay ng umento sa mga taga-gobyerno.