Audit sa Makati building di pa tapos - COA

Sinabi ni Director Jo­nathan Beltran ng Public Information Office ng COA na lubhang napakaaga ng lumabas na ulat sa isang pahayagan na nagsasaad sa umano’y resulta ng imbestigasyon ng ahensiya.. Photo obtained from makati.gov.ph

MANILA, Philippines – Nilinaw kamakalawa ng Commission on Audit na hindi pa nila natatapos ang special audit sa umano’y overpriced na pagpapatayo ng kontro­bersiyal na Parking Buil­ding II ng Makati City Hall.

Sinabi ni Director Jo­nathan Beltran ng Public Information Office ng COA na lubhang napakaaga ng lumabas na ulat sa isang pahayagan na nagsasaad sa umano’y resulta ng imbestigasyon ng ahensiya.

“Confidential pa ang panunang resulta ng imbestigasyon ng special audit team,” paliwanag ni Beltran. “Iyong finding ng COA na iniulat, wala pa diyan ung komento ng kinauukulang mga opis­yal. Bilang bahagi ng audit process, dapat isama ang comments sa final audit report.”

Ayon naman sa kampo ni Vice President Jejomar Binay, kataka-taka na hindi binabanggit sa news report hinggil sa umano’y COA findings ang detalye sa pagkakalabas nito.

May isang pinapanigan umano ang report na tanging hangad lang na siraan ang bise presidente.

“Wala pa kaming natatanggap na opisyal na kopya ng sinasabing report ng COA pero, muli naming iginigiit na ang Makati Building 2 project ay sumailalim sa 11 auditing ng COA kabilang na ang technical audit ng mga specialist,” sabi sa pahayag ng kampo ni Binay. “Walang masamang resulta at walang nakikitang overpricing. Pero ang malisyosong pagbuhay ng usapin ay nagpapakita ng orkestrado at napopondohang atake laban sa Bise Presidente.”

Show comments