MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang iba’t-ibang lokal na opisyal ng Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay sa kandidatura ni Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo sa pagdalaw nito sa dalawang lalawigan kamakailan.
Sa pulong na Women’s Conference on Peace and Development, itinaas ni Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles ang kamay ni Robredo bilang simbolo ng suporta sa kanyang pagtakbong bise presidente.
“Nagpapasalamat po kami kay Governor at Congresswoman Cerilles sa ginagawa ninyong tulong para sa amin hindi lang sa Pagadian City pero sa buong probinsya ng Zamboanga del Sur,” wika ni Robredo.
Bago nagtungo sa Pagadian City, nakipagpulong din si Robredo sa informal settlers at LP local officials sa Ipil, Zamboanga Sibugay. “Masayang masaya ako na nakabisita dito dahil ang akin pong asawang si Jesse ay maraming pangarap para sa mga taga-Mindanao,” dagdag niya.