MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na may ‘tanim-bala’ incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ang intensiyon ay pangongotong subalit hindi naman naging sapat ang ebidensiya para sabihing may sindikato nito na nag-oopereyt doon.
Sa ginanap na pulong-balitaan sa DOJ kahapon ng hapon, sinabi ng tagapagsalita ng ahensya na si Undersecretary Emmanuel Caparas na batay ito sa isinumiteng report ng National Bureau of Investigation –Special Task Force na naatasang magsiyasat sa TALABA scam o tanim-laglag bala sa mga pasahero sa nasabing paliparan.
Kasunod nito ay ang pormal na paghahain ng reklamo ng NBI sa DOJ laban sa mga natukoy na mga sangkot sa laglag-bala na inireklamo ng mga pasahero.
Kabilang sa isasalang sa premininary investigation ang dalawang miyembro ng Office of Transportation Security (OTS) at apat na kagawad ng Philippine National Police-Aviation Security Group kaugnay sa reklamo ng pasaherong American national na si Lane Michael White.
Pagtatanim ng bala o paglabag sa Article V, Section 38 (Liability for Planting Evidence) ng RA No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act); robbery/extortion; at paglabag sa RA No. 7438 at RA No. 3019 ang inihain laban kina SPO2 Rolando Clarin, SPO4 Ramon Bernardino, P/Chief Insp. Adriano Junio at SPO2 Romy Navarro.
Mga paglabag sa kasong robbery/extortion; paglabag sa RA No. 7438 (An Act Defining Certain Rights of Person Arrested, Detained or Under Custodial Investigation and Duties of the Arresting, Detaining and Investigating Officers) at RA No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang kinakaharap nina Maria Elena Cena at Marvin Garcia ng OTS, na ibinatay sa nakita sa video footage sa NAIA.