Chiz sa Comelec: Mas matimbang sina 'Lucipher' at 'Intergalactic Space Ambassador' kay Poe?

MANILA, Philippines – Dismayado si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division na diskwalipikahin si Sen. Grace Poe sa 2016 elections.

Pinagtatakahan ni Escudero ang agarang desisyon ng 2nd Division sa kaso ni Poe, kung saan aniya’y inuna pa ito kaysa sa pagtanggal sa mga nuisance candidates.

"Talagang inuna pa nila si Senator Grace at nagulat kami sa bilis ng naging pasya nila,” pahayag niEscudero.

PANOORIN: Bakit pinapayagan ng Comelec sina ‘Lucifer,’ Intergalactic space ambassador maghain ng COC

"Lumalabas ba na higit na mas matimbang ang kandidatura ni 'Lucipher' at ni 'Intergalactic Space Ambassador' kaysa kay Senator Grace?" dagdag niya.

Ilan lamang sina Lucipher at 'Intergalactic Space Ambassador' sa mga naghain ng certificate of candidacy (COC) sa pagkapangulo at itinuturing na nuisance candidates.

Sa kabila nito ay umaasa naman si Escudero na babaligtarin ng Comelec en banc ang desisyon ng 2nd Division laban sa kaniyang running mate na si Poe.

Sinabi pa ng senador na nilalaman ng 63-pahinang apela ng kampo ni Poe ang lahat ng patunay na kwalipikado ang independent presidential candidate na tumakbo sa 2016.

BASAHIN: Poe inapela ang disqualification ng Comelec

"Lahat naman ng kailangang malaman ukol sa residency at citizenship ni Sen. Grace ay nakapaloob na sa MR (motion for reconsideration)," banggit ni Escudero na tatakbong bise presidente.

"I just hope they will decide on the merits of this case because what is at stake here is the impartiality, integrity and credibility of the Comelec," dagdag niya.

Samantala, kung katigan ng Comelec en banc ang desisyon ng 2nd Division ay iaakyat nila ang kanilang apela sa Korte Suprema.

"Kung ang naging pasya ng Comelec Second Division ay halos pare-pareho naman, iisa lang naman ang kanilang pinanggalingan, pinaghugutan, at tila pati na rin ang nag-appoint sa kanila. Kaya malamang sa Korte Suprema na lamang kami aasa," sabi ni Escudero.

BASAHIN: Drilon sa SC: ‘wag muna kayong magbakasyon, kaso ni Poe, dinggin

Kinansela ng 2nd Division ang COC ni Poe matapos kuwestiyunin ng abogadong si Estrella Elamparo ang kakulangan sa 10-year residency ng senadora.

Bukod dito ay tatlo pang disqualification case ang kinakaharap ni Poe sa Comelec.

 

Show comments