Mother Lily todo suporta kay Win

Valenzuela City Rep. Sherwin Gatcha­lian Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Hayagan ang ginawang pagsuporta ng kilalang movie producer na si ‘Mother’ Lily Monteverde sa kandidatura bilang senador ni Valenzuela City Rep. Sherwin Gatcha­lian dahil makatutulong umano ito para sa industriya ng showbiz.

Noong nakaraang linggo, isang ‘get-together’ ang inihanda ng respetadong movie producer para kay Gatchalian kung saan hinimok nito ang mga kasapi ng ‘entertainment press’ at mga artista na suportahan ang kanyang kandidatura.

Ang mambabatas ay isa sa mga kandidato sa Senado ng tiket nina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz  Escudero.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Gatchalian na ang problema sa ‘film piracy’ at kakulangan ng suporta ng pamahalaan sa mga ‘Filipino entertainers’ ay kasama sa kanyang mga pagtutuunan ng pansin.

Aniya, ang mga problemang ito ang dahilan kung bakit ‘moribund’ o malapit ng “mamatay” ang industriya ng paggawa ng pelikula sa bansa. Pansin pa ni Sherwin, “maraming magagaling at talentadong Pinoy subalit hindi sila mabigyan ng pagkakataon na maipakita ito sa buong mundo dahil sa kawalan ng suporta ng pamahalaan.”

Binigyang halimbawa ni Sherwin ang pagsikat ng mga artista at entertainers mula sa Korea o ang ‘K-Pop’ at Korea Nobela na aniya ay naging posible dahil suportado ang mga ito ng kanilang pamahalaan.

Sa isyu ng ‘piracy,’ sinabi pa ni Gatchalian na ang problemang ito ay naging dahilan upang tuluyang maiwan ng ibang bansa ang paggawa ng pelikula sa ‘Pinas na sa nakaraang panahon ay nangunguna sa buong Asya.

Bukod sa kongkretong plano para sa industriya, pinuri rin ni Monteverde ang mga plano para sa edukasyon at trabaho ng mambabatas at, ang pagtutok nito sa interes ng mga kabataan. Sa mga nagawang ito ni Gatchalian, sinabi pa ni Monteverde na maihahambing ang mambabatas sa mga nagawa ni Singapore Prime Minister, Lee Kuan Yew.

Show comments