MANILA, Philippines – Sumugod kahapon sa US Embassy sa Maynila ang Bugkalot tribal community para iparating ang kanilang hinaing sa gobyerno ng Estados Unidos at kay Pangulong Aquino na ibigay ang kanilang kahilingan na “percentage share” na bahagi naman ng kinita ng isang multi-billion hydroelectric power plant na itinayo sa ancestral domain na kanilang pag-aari sa probinsya ng Nueva Vizcaya.
Alas-9:00 ng umaga kahapon nang magsimulang magtipon ang nasa 150 mga miyembro ng Bugkalot tribe, sa pamumuno ni Nagtipunan, Quirino Mayor Rosario Camma at over-all chieftain ng Bugkalot Ethnic Community na naka-base sa mga probinsya ng Aurora, Quirino at Nueva Vizcaya.
Nais nilang mamagitan at makialam na rin si US Ambassador Philip Goldberg hinggil sa gusot na kinasasangkutan ng Hydro-Electric Project ng California Energy Casecnan Water and Energy Company (CECWECI) o CalEnergy na isang US firm at ng naturang tribal community.
Ang CalEnegry ay isang independent power producer (IPP) na subsidiary ng Mid-American Energy Company na itinuturing na isa sa mga pinakalamalaking energy provider company sa buong mundo, sa ilalim ng kontrata para sa development ng Casecnan Multi –Purpose Irrigation and
Power Project (CMPIPP), ka-partner ang National Irrigation Administration (NIA).
Nabatid na ang tanging kahilingan ng Bugkalot ay ibigay ang ilan sa kanilang 20 demands na napagkasunduan noon, kabilang ang “3 percent share” ng kita ng planta para sa mga naapektuhang Bugkalot community.