MANILA, Philippines – Itinanggi ni LP stalwart at Senate President Franklin Drilon ang mga balitang may mga miyembro ng Liberal Party sa Mindanao na lumipat na sa kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos itong opisyal na ianunsiyo ang pagtakbo bilang kapalit ng PDP-Laban standard bearer Martin Dino.
“Hindi totoo yan. Kami po ay tumatanggap ng liham mula sa mga kasamahan namin dun sa Mindanao, hindi totoo na naglilipatan,” paglilinaw ni Drilon.
Sinegundahan ito ni House Speaker at LP Vice Chair Feliciano “Sonny” Belmonte.
“Lalo pa nga itong nagbunsod para pagtibayin ng mga kongresista at gobernador ang kanilang suporta kay LP presidential bet Mar Roxas,” diin ni Belmonte. Si Roxas ang standard bearer ng Partido Liberal at personal na pambato ni Pangulong Aquino na sinabing si Roxas lamang ang may tunay na kakayahang magtuloy ng pag-unlad sa ilalim ng Daang Matuwid.
Isa sa mga naibalitang naglipat ng suporta kay Duterte ay si Tagum City Mayor Rey Uy. Itinanggi naman ito ni Uy.