MANILA, Philippines – Pinayuhan kahapon ng Malacañang ang kampo ni Sen. Grace Poe na igalang nito ang batas at gumawa na lamang ng mga hakbang na legal matapos itong i-disqualify ng Commission on Elections dahil sa kakulangan ng residency requirements bilang presidential candidate.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, puwede pa namang umapela ang kampo ni Sen. Poe kaugnay sa naging desisyon ng Comelec.
Naniniwa si Lacierda na ang nasabing pasya ay naabot ng Comelec matapos na dumaan sa prosesong itinatadhana ng batas.
Mayroon naman aniyang ibang opsyon ang legal team ng senadora na pwede nitong gamitin para subukang baligtarin ang pasya ng poll body.
Sa naging desisyon ng 2nd division ng Comelec, pinaboran nito ang petisyon ni Atty. Estrella Elamparo na hindi naabot ni Poe ang 10-year residency requirement na hinihingi ng Saligang Batas para sa isang presidential candidate na tatakbo sa 2016 elections.
Inamin din ni Poe sa panayam ng Bombo Radyo kamakalawa na ‘maliit na bagay’ lamang naman daw ang kakulangang 6 months sa residency requirements nito.
May 5 araw ang kampo ni Poe upang umapela sa naging desisyon ng 2nd division sa Comelec en banc.