MANILA, Philippines – Bantay sarado at todo higpit ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng nakatakdang pagbaba ng hatol ngayong araw ng korte laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nahaharap sa kasong murder sa Pinay transgender na nakasampa sa Olongapo City.
Ito’y matapos ang mahigit isang taong paglilitis sa kaso ng pagpatay ng akusadong si Pemberton sa Pinay transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer. Ngayong araw ay ibaba na ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 ang hatol laban kay Pemberton kung saan nasa 1,000 pulis ang magbabantay sa palibot ng korte.
Si Jennifer ay natagpuang patay na nakasubsob pa ang ulo sa inidoro sa loob ng Room No. 1 ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014 ng gabi.
Sinabi ni PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez na sapat ang seguridad hindi lamang kay Pemberton kundi maging sa paligid ng korte ng Olongapo City kung saan gaganapin ang promulgasyon ng kaso nito.
Kasalukuyan namang nakaditine si Pemberton sa Joint United States and Military Assistance Group-Mutual Security Defense Board (JUSMAG-MSDB) ang US military facility sa loob ng Camp Aguinaldo.
Sa panig naman ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, handa sila sa pagbibigay ng seguridad kay Pemberto katuwang ang US forces mula sa pagbibiyahe dito galing Camp Aguinaldo patungong Olongapo City kung saan gaganapin ang promulgasyon ng kaso nito ngayong araw.
Nabatid na bago ito ay nagsagawa na ng pakikipagpulong ang mga opisyal ng JUSMAG at US Embassy sa PNP at AFP para sa seguridad ng US serviceman.