MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ng Korte Suprema ang maayos at payapang pagtatapos ng Bar Exams na isinagawa sa apat na linggo ng Nobyembre sa Univerity of Santo Tomas campus sa España, Maynila.
Ayon kay SC Spokesperson Theodore Te, umaabot sa 7,146 na law graduates ang nagparehistro subalit 6,619 lamang ang nakakuha ng exam. Nasa 527 naman ang nadiskuwalipika matapos na mabigong makakuha ng exam sa unang linggo ng pagsusulit.
Ang Bar exams ay kinabibilangan ng Political Law, Labor Law, Civil Law, Taxation, Mercantile, Criminal Law, Remedial at Legal at Judicial Ethics.
Sinabi ni Te, na naging maayos naman ang pagsunod ng mga examinees sa kanilang regulasyon kabilang na ang paggamit ng mga transparent bag kung saan kita ang kanilang mga bar materials, pen, pagkain tubig at mga kailangan.
Ipinatupad din ito upang matiyak na walang anumang mga kontrabando o anumang mga bawal ang naipapasok sa examination room.
Nagsagawa rin ng dagdag na security measure ang mga awtoridad upang maiwasan na maulit ang pagsabog sa bar exams week tulad na rin ng nangyari noong Setyembre 2010 sa harap ng De La Salle Univerity sa Taft Avenue, Manila.